k3bnk60c
CTO twitter.com

Isang napakagandang prinsesa

Sa isang palasyo nakatira

Ngunit kanyang pagkatao

Nais niyang maging ordinaryo

 

Palasyo man ay malaki

Ngunit sa lawak nito ay hindi mahanap ang sarili

Lahat ng galaw niya ay limitado

Laging sumusunod kahit nahihirapan na ang puso

 

Parang ibon na nakakulong sa hawla

Hindi makahinga at nais makawala

Gustong makita ang lawak ng mundo

Sa ibang tao ay nais makihalubilo

 

Tulad ng iba puso’y gustong magmahal

Pag-ibig na totoo at hiningi sa Maykapal

Harapin ang bukas na nasa itaas may pananalig

Magdilim man ang paligid, pagmamahal sa isa’t-isa ang   siyang mananaig

 

Nang masilayan ang kalayaang hinahangad

Isang pangarap ang siyang natupad

Hindi man sakay ng isang karwahe

Sa katapangan at kabutihang puso, siya’y maituturing na prinsipe

 

Pagkakaibigan ang siyang unang nabuo

Hanggang sa unti-unti ay naging isa ang tibok ng kanilang puso

Isang pag-iibigan ang siyang namulaklak

Halaga nito ay higit pa sa ginto at pilak

 

Ngunit tamis nito’y pilit na hinahadlangan

Utos sa prinsesa, prinsipe ay layuan

Pagiging ordinaryo ng prinsipe ang siyang dahilan

Tibay ng pag-iibigan ngayo’y masusubukan

 

Minsan kahit gaano man ipaglaban

Pag-ibig ay kailangan bitawan

Hindi dahil pagmamahal ay sinusuko

Kundi piniling protektahan ang minamahal mundo man ay gumuho

 

Labis ang sakit ng pamamaalam

Sa iyong mahal na pinakaaasam

Ngunit minsan pinipiling masaktan

Upang minamahal ay maiwas sa kapahamakan

 

Lumipas ang panahon, puso ng taong minamahal ay naging bato

‘Di malaman kung ang prinsesa pa rin ang nilalaman ng kanyang puso

Katayuan ay nagkapalit, prinsesa’y naging ordinaryo

Ang hamak na ordinaryo naging prinsipe ng malaking palasyo

 

Prinsesa’y ‘di malaman ang gagawin

Upang kapatawaran ng prinsipe ay maangkin

Mga magandang alaala tila ba’y kinalimutan

Wala na bang pangalawang pagkakaton ang kanilang pagmamahalan?

 

Ngunit pag-ibig ilibing man sa ikailaliman

Sa sobrang lakas ay ‘di pa rin mapigilan

Pilit man itanggi ng prinsipe sa sarili

Pagmamahal sa prinsesa kailanma’y hindi napawi

 

Piliin ang pagmamahal, pangako ng prinsesa

Hindi titigil at patuloy na umaasa

Na sa puso ng prinsipe siya pa rin ang mahal

‘Yan ang tangi niyang dasal sa Maykapal

 

Sa tulong ng mga taong nagmamahal sa kanila

Sila’y unti-unting tinutulak sa isa’t-isa

May umaaligid mang iba na nais sungkitin ang mga puso nila

Tila ba ang mga ito’y nakasara at may kandado pa

 

Unti-unting lumalambot ang puso ng prinsipe

Dating tinataboy, ngayon hinahanap ‘pag wala sa tabi

Naibigay na ang hiniling na kapatawaran

Magandang pagsasama muling binalikan

 

Lahat ng sugat humihilom na

Muling binuksan ang puso para mahalin ang prinsesa

Sa mga mata nila’y tunay na makikita

Pagmamahal sa isa’t-isa ‘di man sila magsalita

 

Ano mang hadlang ngayon sila ay handa

Hindi papipigil sa ano mang sakuna

Takot sa puso hindi man mapigilan

Pangako ng prinsipe, prinsesa’y ‘di bibitawan

 

Mga taong nais silang saktan

Kasamaan nila ngayo’y natuldukan

Sa lahat ng pasakit at kasamaan

Laging mananaig ang kabutihan

 

Ngayon, luha sa mga mata ‘di na dulot ng kalungkutan

Ito’y dahil sa umaapaw nilang kaligayahan

Marami mang pagsubok sa kanila’y dumaan

Sila’y nanaig dahil sa pagmamahalan

 

Bagong yugto ang kanilang haharapin

Sa harap ng Maykapal ang dalawa ay pag-iisahin

Lakad patungong altar, prinsesa’y walang mapaglagyan ng kaligayahan

Ngayon bawat gising niya’y mukha ng minamahal ang masisilayan

 

Luha sa mga mata ng prinsipe ay makikita

Sobrang kasiyahan di mailarawan sa salita

Habang ang prinsesa ay papalapit sa kanya

Ngayon bawat bukas ay puno ng pag-asa

 

Pag-ibig nila ay tulad ng isang alitaptap

Madilim man ang paligid ay nananatiling kumikislap

Isinulat ng Maykapal ng napakaganda

Ito ang kwento ni Prinsipe Tenten at Prinsesa Serena.

Advertisements